Job 7

1Hindi ba’t may mabigat na gawain ang bawat isang tao sa ibabaw ng lupa? 2Hindi ba na ang kaniyang mga araw ay gaya ng isang taong upahan? 3Katulad ng isang alipin na maalab na ninanais ang mga anino ng gabi, katulad ng isang taong upahan na naghihintay sa kaniyang mga sahod- kaya nagtiis ako sa mga buwan ng kahirapan; nagkakaroon ako ng mga gabing punong-puno ng kaguluhan.

4Kapag ako ay humihiga, sinasabi ko sa aking sarili, “Kailan ako babangon at kailan lilipas ang gabi? Punong-puno ako ng kabalisahan hanggang sa magbukang-liwayway. 5Ang aking laman ay nadadamitan ng mga uod at mga tipak ng alikabok; nanigas na ang mga sugat sa aking balat at saka malulusaw at mananariwang muli.

6Ang aking mga araw ay mas mabilis kaysa sa panghabi; lilipas sila nang walang pag-asa. 7Alalahanin mo O Diyos na ang aking buhay ay isa lamang hininga; ang aking mata ay hindi na makakakita pa ng kabutihan.

8Ang mata ng Diyos, na nakikita ako, ay hindi na muli ako makikita; Ang mga mata ng Diyos ay tutuon sa akin pero hindi na ako mabubuhay. 9Gaya ng isang ulap na napapawi at nawawala, gayon din ang siyang bumababa sa sheol ay hindi na aahon pa. 10Siya ay hindi na babalik pa sa kaniyang tahanan; ni makikilala pa siya muli sa kaniyang lugar.

11Kaya hindi ko pipigilin ang aking bibig; Magsasalita ako sa kadalamhatian ng aking espiritu; Ako ay dadaing sa kapaitan ng aking kaluluwa. 12Ako ba ay isang dagat, o isang halimaw sa dagat para lagyan mo ng bantay?

13Kapag sinasabi ko, ‘Aaliwin ako ng aking higaan, at pakakalmahin ng aking upuan ang aking daing, 14pagkatapos tinatakot mo ako sa mga panaginip at ako ay sinisindak sa mga pangitain, 15kaya pipiliin ko ang magbigti at kamatayan sa halip na panatilihin pang buhay ang aking mga buto.

16Kinasusuklaman ko ang aking buhay; Hindi ko hinahangad na patuloy akong mabuhay; hayaan mo akong mag-isa dahil walang silbi ang aking mga araw. 17Ano ang tao na dapat bigyan mo ng pansin, na dapat iyong ituon ang isip sa kaniya, 18na dapat mong bantayan tuwing umaga at sinusubok mo siya sa bawat sandali?

19Gaano katagal bago mo alisin ang iyong tingin sa akin? bago mo ako hayaang mag-isa nang may sapat na panahon para lunukin ang aking sariling laway? 20Kahit ako ay nagkasala, ano ang magagawa nito sa iyo, ikaw na nagbabantay sa mga tao? Bakit mo ako ginawang isang pakay, para ba ako ay maging pasanin sa iyo?

Bakit hindi mo mapatawad ang aking mga pagsuway at alisin ang aking kasamaan? Sa ngayon ako ay hihiga sa alikabok; maingat mo akong hahanapin, pero wala na ako.”

21

Copyright information for TglULB